SONSPEAK PASTOR APOLLO C. QUIBOLOY
DAILY EDITION

Ang Kingdom Age (Ikaapat na Bahagi)

Posted by on Nov 30th, 2011 and filed under Kingdom. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

PASTOR APOLLO C. QUIBOLOY

ANG templo sa Jerusalem ay sinunog ng mga mananakop na puwersang Romano sa pangunguna ng Romanong He­neral na si Tito noong 70 A.D., ito ay naghudyat ng katapusan ng Hudyong Kapanahunan o Jewish Age.

Tuluyan nang tinalikdan ng Panginoon ang bayan ng Hudyo bilang Kanyang pinili dahil sa kanilang pagrerebelde at pagsusuway sa Kanyang kalooban. Dahil dito, ang Hudyong langit at lupa ay tuluyan nang isinara. Mula sa araw na iyon, wala nang langit para sa lahat ng mamamatay na Hudyo. Wala nang kaligtasan sa Hudyong pananampalataya.

CHRISTIAN AGE: ANG BAGONG KAPANAHUNAN

Nang bumagsak ang Hu­dyong daigdig, nagpasi­mula ang bagong kapanahunan na tinatawag na Christian Age. Sa bagong kapanahunang ito, ang buhay ni Jesus Christ ay progresibong naipahayag sa Kanyang bayan, mula sa isang relihiyon hanggang sa isang relihiyon, gaya ng nasusulat sa Mga Taga-Roma 1:17, “Sapagkat dito ang katuwiran ng Diyos ay nahahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya: gaya ng nasusulat, Ngunit ang ganap ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.”

Ang Talinhaga ng Binhing Inihasik na matatagpuan sa Marcos 4:26-29 ay patungkol sa progresibong kapahayagan ng buhay ni Jesus Christ, na naipahayag sa bagong kapanahunang ito. Sinasabi sa talinhaga, “Ganyan ang kaharian ng Diyos, na gaya ng isang taong naghahasik ng binhi sa lupa; at natutulog at nagbabangon sa gabi at araw at sumisibol at lumalaki ang binhi na ‘di niya nalalaman kung paano. Sa kanyang sarili ay nagbubunga ang lupa; una-una’y usbong, saka uhay, pagkatapos ay butil na humihitik sa uhay. Datapuwa’t pagkahinog na ang bunga ay ginagamit agad ang panggapas sapagkat dumating na ang pag-aani.”

ANG TALINHAGA NG BINHING INIHASIK

Sa talinhagang ito, ang Kaharian ng Langit ay inihahalintulad sa isang taong naghasik ng binhi sa lupa. Ang binhing ipinunla ay ang Salita ng Diyos o ang buhay ni Jesus Christ na namatay upang marami ang maligtas.

Sinasabi sa Juan 12:24, “Maliban ang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay ay matitira siyang nag-iisa; ngunit kung mamamatay ay nagbubunga nang marami.” Gaya ng magsasaka na naghahasik ng binhi upang umani, gayundin ay inialay ni Jesus Christ ang Kanyang buhay upang makapagprodyus ng maraming kagaya rin Niya—mga anak ng Diyos na nagdadala ng Kanyang anyo at buhay. Siya ay naparito at namatay para sa layuning ito.

Kapag ang binhi ng mais ay naihasik, ito ay magsisi­mulang lumago. Ito ay sumasailalim sa iba’t ibang antas ng paglago, hanggang sa ito ay maging handa sa pag-aani. Sa ganitong paraan, nang inialay ni Jesus Christ ang Kanyang buhay bilang binhi, ang buhay na ito ay lumago, dumaan sa iba’t ibang yugto, hanggang sa naipahayag ang kasukdulang antas ng buhay nito. Kaya wala lamang iisang uri ng pananampalataya—ito ay naipahahayag mula sa isang antas hanggang sa isa; mula sa kaluwalhatian hanggang sa kaluwalhatian.

ANG PANG-UUSIG SA MGA KRISTIYANO

Habang ang binhi ay lu­malago, ang unang bagay na tutubo mula sa lupa ay ang dahon, na siyang kumakatawan sa relihiyong Romano Katoliko. Bago pa man dumating ang Romano Katoliko, ang mga tagasunod ni Cristo ay tinawag na mga Kristiyano. Sila ay tinawag na mga Kristiyano dahil sa pananampalatayang kanilang sinunod.

Sa loob nang higit sa dalawanlibong taon, ang mga Kristiyano ay nagdusa sa ma­tinding pang-uusig ng mga Romano at Hudyong nasa kapangyarihan. Saang dako man sila magtungo, sila ay ikinukulong at pinagpapapatay. Sa katunayan, bago pa man si Pablo naging Apostol Pablo, siya ay tinawag na si Saulong Mang-uusig. Siya ay inatasan ng Sanhedrin, ang mga nakatatanda sa Hudyong relihiyon. Ang mga taong ito ay masigasig na sumunod sa mga kautusan ni Moises. Hindi nila tinanggap si Cristo, maging ang Kanyang pagtuturo at Kanyang mga tagasunod. Hinanap nila at pinagpapatay ang mga Kristiyano.

ANG PAGSIBOL NG KATOLISISMO

Subalit noong 312 A.D., ang pang-uusig ng mga Romano sa mga Kristiyano ay natapos nang ang Romanong Emperador na si Constantine the Great ay naging Kristiyano mula sa pagiging pagano. Iprinoklama niya sa mga Kristiyano na lumantad na mula sa kanilang pagkakatago dahil ang Kristiyanismo ay gagawin nang opisyal na relihiyon ng imperyo.

Ang mga Kristiyano ay lubhang nagalak subalit sa pagi­ging Kristiyano ni Constantino, ang Kristiyanong pananampalataya ay nakompromiso nang pinag-isang dibdib ng emperador ang paganismo at Kristiyanismo. Ang relihiyong Romano Katoliko ang naging bunga ng pag-iisang dibdib na ito. Ito ang Dahon na Pananampalataya, ang u­nang kapahayagan ng buhay ni Jesus Christ.

Kung ikaw ang magsasaka, tatawagin mo ba ang iyong mga kapitbahay para sa pag-aani dahil sa ang dahon ay sumibol na? Ito ay hindi mo gagawin! Alam ng magsasaka na ito ay hindi pa hudyat ng pag-aani. Subalit hindi matanggap ng Romano Katoliko na sila ay unang antas lamang sa kapahayagan ng buhay ni Jesus Christ. Sinasabi nila, “Ito na ang pag-aani! Kami na nga! Wala nang susunod pa sa amin!” Subalit nasusulat sa Mga Taga-Roma 1:17 na ‘ang buhay ni Cristo ay naipahahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya.’ Ito ay pa­tuloy na lalago, gaya ng binhi ng mais, hanggang sa ito ay umabot sa pinakasukdulang antas ng paglago.

ANG KAPANGANAKAN NG PROTESTANTISMO

Mula sa dahon, ang katawan ay uusbong. Ito ang ikalawang antas ng paglago sa buhay ng binhi ng mais. Ang katawan ay hindi kamukha ng dahon subalit ito ay pagpapatuloy ng iisang buhay na nagmumula sa binhi.

Mula sa Romano Katoliko, ang relihiyong Protestan­tismo ay lumitaw. Ito ang Katawan na Pananampalataya. Lahat ng umalis mula sa Katoliko ay maituturing na Protestante. Ang katawan ay isa na namang progresibong kapahayagan ng buhay ni Cristo subalit hindi pa ito ang huling yugto.

Tatawagin ba ng magsasaka ang kanyang mga kapitbahay upang mag-ani, kapag ang katawan ay tumubo na? Sasabihin ba niyang, “Ito na nga! Ito na ang katapusan ng buhay ng mais! Wala nang susunod pa rito! Tayo na’t mag-ani!”

Hindi. Hindi magiging ganito kahangal ang magsasaka! Subalit ang mga Protestante ay naging kasinghibang ng mga Katoliko, nang kanilang angkinin na sila ang huling kapahayagan o huling yugto ng buhay ni Cristo. Hanggang sa kasalukuyan, ang dala­wang grupong ito ay patuloy na nagta­talo, kung sino ang tama.

“Kami ang katotohanan,” angkin ng mga Katoliko. “Hindi, kami ang tama,” sabi naman ng mga Protestante.

Wala ni isa man sa kanila ang tama, dahil sa ang pag­lago ng pananampalataya ay maihahalintulad sa paaralan. May mga antas na kinakaila­ngan mong daanan upang makumpleto ang iyong pag-aaral.

May elementarya, mataas na paaralan at kolehiyo. Kung ikaw ay mag-aaral, isa-isa mong daraanan at kukumpletuhin ang mga antas na ito.

Kung sa pagtatapos mo sa elementarya, sasabihin sa iyo ng iyong guro, “Sige, tapos na ang iyong pag-aaral! Hindi mo na kailangang umakyat pa sa mataas na paaralan, dahil ang ikaanim na baitang na ang huling antas ng pag-aaral. Nakapagtapos ka na.”

Ito ay kahangalan.

(Itutuloy)

 

Kung ikaw ay pinagpala sa mensaheng ito, sumulat kay Pastor Apollo C. Quiboloy, P.O. Box 80118, Davao City Central Post Office, Davao City, 8000 Philippines. Mapanonood si Pastor Apollo C. Quiboloy sa Sonshine TV Channel 39 Manila at Channel 43 Davao at sa www.acqkbn.tv, www.acqkbn.com, www.kingdomofjesuschrist.org at sa ACQ-Kingdom Broadcasting Network stations sa buong Pilipinas at buong mundo. Siya rin ay mapakikinggan sa Sonshine Radio DZAR 1026 Manila, DXAQ 1404 Davao at sa lahat ng mga Sonshine Radio Stations sa buong Pilipinas, maging sa www.sonshineradio.com. Para sa inyong mga katanungan, tumawag sa (02)453-2516 Manila o sa (082)234-2866 to 67 Davao.

 

 

Related News:

Leave a Reply

*

Spam Protection by WP-SpamFree


PINAS The Filipino's Global Newspaper is owned, managed and operated by Sonshine Media Network International.
Developed by KJC Multimedia Department IT Section based in Manila.