Tubig ay buhay at kabuhayan

BUKOD sa hangin, pinakamahalagang elemento sa mundo ang tubig para mabuhay ang buong daigdig. Kaya nga, maaari mo rin naman na gamitin ang elementong ito para kumita nang husto!

 

Kung mapapansin natin, ang water refilling stations ay isa sa mga negosyong patok na patok sa ating mga kababayan dahil sa mainam na kita rito. Lamang, medyo may kalakihan ang puhunan sa prangkisa naaabot  nang mahigit P500,000 pero kapag naalagaan nang husto, ang kita ay sigurado!

 

Paano nga ba magpasimula ng ganitong uri ng negosyo?

Ayon sa mahusay na business coach at entrepreneur na si Ruben Anlacan, Jr., dapat na isaalang-alang ang sumusunod na mga bagay para sa matagumpay na negosyo sa tubig:

  • Alamin kung anong ‘uri’ ng tubig ang nais mong ibenta. Iba’t ibang uri ang tubig na maaaring mabili sa isang water refilling station. Maaaring Pi water, alkaline, purified, distilled o mineral.
  • Puhunan. Sinasabing aabot nga sa P500,000 ang puhunan para makapagsimula ka ng ganitong uri ng negosyo. Ang kalahati nito, ayon sa business guru ay mapupunta sa pagbili ng mga kagamitan (equipment) para sa pagpapadalisay ng tubig, pagsasaayos ng lugar na pagtitindahan, delivery vehicle at iba pang kakailanganin para tumakbo nang maayos ang inyong negosyo. Sa mga nagpaprangkisa, mang nagbibigay ng ‘lay away plan’ na pupuwede mong hulug-hulugan ang puhunang ipinautang sa iyo.

 

  • Mahalaga ang lugar. Katulad ng iba pang mga negosyo, mahalaga ang lokasyon para matiyak ang pagkita natin nang husto. Tiyakin na ang lugar na paglalagakan ng negosyo ay matao at madaling mapuntahan para makabili sila ng itinitinda mong malinis at masarap na tubig na inumin. Tinatayang kailangang nasa 25 metro kuwadrado (sa minimum) ang laki ng ating tindahan at maglagay rin ng patangan (allowance) para sa expansion kung sakaling lumalakas na ang ating negosyo.
  • Sumunod sa batas. May umiiral na batas ukol sa kalinisan ng mga negosyong may kinalaman sa tubig at pagkain: ang Presidential Decree No. 856 na kilala rin sa Sanitation Code of the Philippines. Tiyaking malinis ang ating lugar, maayos ang tubong dinadaluyan ng ating tubig, tama ang kasuotan ng ating mga trabahador at walang anumang mikrobyong maaaring humalo sa ating itinitindang tubig.

 

Tandaan: dapat na pahalagahan ang kaligtasan ng ating mga parukyano nang tumagal nang husto sa negosyo o industriyang napili ninyo.

 

 

Dumalo sa kaukulang seminar sa Department of Health (DOH) para sa pagpapatakbo ng ating water refilling station. Alamin kung anu-anong mga pagsasanay ang dapat na daanan para maayos na mapatakbo ang ating negosyo.

 

Turuan ang ating mga katuwang sa negosyo ng kalinisan at paggalang sa mga parukyano. Mahalaga sa ating negosyo ang kalinisan at siyempre pa, ang paggalang sa ating mga parukyano. Sana’y maturuan natin ang ating mga empleyado kung paano ang wastong pakikipag-ugnayan sa ating mga mamimili at nang mapanatili natin ang kanilang katapatan o loyalty.

 

Dagdag pa rito, dapat ding tiyakin na maayos silang tingnan. Kaya nga, ipinapayong dapat ay may uniporme sila at tiyaking presentable ang kanilang anyo at kilos.

 

Matutong magplano sa pinansiya. Sabihin mang paulit-ulit na parang sirang plaka, ang mahusay na pamamahala sa pinansiya ang susi sa isang matagumpay na pagnenegosyo. Kaya nga, dapat na tiyakin na maayos ang daloy ng salapi—mula gastos hanggang tubo para masubaybayan ang kita at gastos natin.

Dito, makikita natin kung anong bahagi ng ating negosyo ang dapat pang pagbutihin nang mabawasan ang gastos at matiyak ang pagdaloy ng tubo sa ating kabang-yaman.

Speak Your Mind

*