Sinisikap ng Philippine Society of Geriatric Medicine (PSGM) na maisakatuparan ang programang “Geria para sa Bayan” na magbibigay nang tamang pangangalaga sa matatanda o sa mga kababayan nating senior citizens.
Ipinaliwanag ni Dr. Miguel Ramos, presidente ng PSGM na tumataas ang populasyon ng mga may edad na 60 pataas na nangangailangan nang mas maayos na pangangalaga lalo na sa kalusugan.
Base sa 2000 population census and housing, may 4.6 milyong Pilipino ang may edad 60 pataas o 5.97% ng kabuuang populasyon ng bansa at inaasahang dodoble pa ang bilang na ito sa 2020.
Ani Ramos, “Kung ‘pediatrician’ ang tawag natin sa duktor ng mga bata, ‘geriatrician’ naman ang tawag sa mga duktor ng matatandang talagang mas nakaaalam kung paano aalagaan ang mga ito.”
Ayon naman kay Jose Leo Giloca, board member ng PSGM, ang programang “Geria para sa Bayan” ay magtatalaga ng mga ‘geriatrician’ sa bawat provincial hospitals upang lalong mapagtuunan ng pansin ang kalusugan ng matatanda.
Dagdag pa ni Giloca, “Nakalulungkot isiping naipagwawalang-bahala ang kalusugan ng mga kababayan nating matatanda dahil mula sa 5.97% populasyon ng mga ito sa bansa ay 1% lamang sa mga ito ang nabibigyan nang tamang pangangalaga.”
Paliwanag pa ni Giloca, “Kasi ay kulang ang ating mga ‘geriatrician’ sa bansa dahil sa kasalukuyan ay tinatayang mayroon lamang isang ‘geriatrician’ sa bawat 200,000 matatanda sa bansa.
“Last year pa napirmahan ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng PSGM at Department of Health (DOH) and we hope na as soon as possible ay mag-i-start na ito sa provincial hospitals nationwide,” pagtatapos naman ni Ramos. «end»