Narito ang naiiba at mas masarap na bersiyon ng nakagigiliwang almusal ng mga Pinoy—ang sinangag. Bukod sa mas malinamnam ito at madaling gawin ay healthy pa kaya naman tamang-tama ito sa mga taong nagda-diet at maging sa mga vegetarian.
Mga sangkap:
Sariwa/pinalamig na mga gulay
Bawang
Luya
Silantro
Canola/vegetable oil
Itlog
Tirang tuyong kanin o bahaw
Toyo/asin
Paminta
Mga hakbang:
Maghiwa ng paborito mong mga gulay (manipis). Ilan sa mga halimbawa ay ang carrot, bell pepper, mushroom at sibuyas.
Para sa pampalasa, magtadtad ng bawang gayundin nang kaunting silantro.
Lagyan ng mantika ang kawali. Mas mainam kung papatakan ito ng toasted sesame oil.
Magbati ng itlog at saka ilagay sa kawaling may katamtamang init. Ihalo ang silantro at batihin ang itlog sa kawali.
Dagdagan ang mantika at saka ilagay ang tinadtad na bawang at luya. Hayaang kumulo ang katas upang lalong maging malasa. Pagkatapos ay itapon ang piraso ng bawang at luya.
Ilagay ang mga gulay (unahin ang pinakamatagal maluto).
Kapag naluto na ayon sa nais mong lambot nito ay tanggalin sa kawali at saka naman ilagay ang lutong kanin dito. Kapag mainit na ang kanin, ibalik muli ang gulay sa kawali at haluin.
Lagyan ng toyo o asin at paminta para maging malasa. «end»