Natural na sa tao ang kumain kapag nakararamdam ng gutom. Ngunit sadyang may mga taong waring ang pagkain na yata ang ginawang libangan. ‘Yun bang makikita mong halos oras-oras ay may kinakain? Hindi na normal ang ganito, maituturing na kasi itong pagkagumon sa pagkain o food addiction sa Ingles.
Hindi maganda ang epekto ng food addiction sa kalusugan. Nagiging dahilan ito para maging sobrang taba, dahilan din para maging lapitin ng sakit tulad ng sakit sa puso, diabetes at high blood ang isang tao.
Ang iba naman ay nakararanas ng depresyon at nakararamdam ng guilt pagkatapos kumain nang marami. Mayroon ngang kasabihan, ang lahat ng sobra ay nakasasama. Ngunit paano ba mapipigil ang pagiging sobrang takaw sa pagkain?
Narito ang ilang tips kung paano makaiiwas sa sobrang pagkain:
Kapag pumupunta sa grocery ay limitahan lang ang pagbili ng pagkain, ‘yung tama lang sa pangangailangan at huwag pupunuin ng stock ang refrigerator. Kapag marami ka kasing nakikitang pagkain ay matutukso ka ring kumain nang kumain.
Umiwas sa tukso. Iwasang pumunta o dumaan sa mga paboritong restaurant. Isaisip na bukod sa magastos ay mapalalakas lang lalo ang iyong craving o pagnanasa sa pagkain. Kumbaga, kung ano ang iyong kahinaan, ito ang dapat na iyong labanan sa pamamagitan ng pag-iwas dito.
Kapag kakain ay maliit na plato na lang ang gamitin. Kapag malaking plato kasi ay marami ka ring mailalagay. Iwasan nga lang na magpabalik-balik sa kaldero dahil mababalewala rin ito. Kontrolin ang sarili na dapat ay hanggang ganito lang karami ang iyong kakainin. Kumain lang din kapag nagugutom at hindi maya-maya o panay kain. Sige ka, baka hindi ka matunawan.
Ugaliin din ang pag-eehersisyo para mabawasan ang timbang. Sa ganitong paraan ay maiiwasan ang pagbigat nang husto. Pero balewala ang lahat kung hindi rin naman kokontrolin ang pagkain.
Ibahin ang panlasa. Kung matatamis na pagkain ang hilig, mas mainam kung ang kakainin ay mga pagkaing kaunti lang ang asukal. Sa pamamagitan ng ganitong praktis ay tiyak na mawawala na ang sobrang pagkahilig sa matatamis na pagkain.
Ituon sa ibang bagay ang atensiyon. Puwedeng bigyan ng pansin at linangin kung ano’ng talento ang mayroon ka. Kumbaga, gawing abala ang sarili. Sa mga oras kasi na walang ginagawa ay rito umaatake ang pagkagumon sa pagkain. «end»