Ang text line ng OFW Family Club na 0918-790-3513 ay bukas nang 24 hours a day at 7 days a week. Tuluy-tuloy ang pagtawag o pagti-text ng ating mga kababayang OFW na humihingi ng saklolo sa kanilang hinaharap na mga problema.
Isa na sa mga ito si OFW Emerito Punu Amurao. Siya ay isang industrial technician sa Doha, Qatar. Noong Enero 3, 2010, siya ay naaksidente habang nakasakay sa truck ng kanyang employer. Nabangga ang nasabing sasakyan sa isa pang sasakyan. Dahil sa lakas ng bangga, nauntog at tumama ang forehead ni Emerito sa metal part ng silya.
Dahil dito, nagkaroon siya ng serious injuries at hindi siya nakapagtrabaho nang halos dalawang linggo. Humingi siya ng tulong sa kanyang employer ukol sa kanyang medical treatment pero hindi naging sapat ang ibinigay na suporta ng nasabing employer.
Ang medical benefits ni Emerito, ayon sa kanyang kontrata ay hindi sinunod ng kanyang employer. Ngayon, si Emerito ay naging desperado na at nais nang umuwi ng Pilipinas sa lalong madaling panahon.
Si Emerito ay tumawag sa text line ng OFW Family Club noong Enero 22, 2010 para iparating sa aming tanggapan ang mga nabanggit. Kaagad naman akong nag-email kay Ambassador Crescente R. Relacion sa Philippine Embassy sa Doha para ihingi ng kaukulang tulong si Emerito.
Kinabukasan, nag-reply ang embassy sa akin para ipaalam na ini-acknowledge na nila ang email ko at bibigyan nila ako ng update ukol sa kaso ni Emerito sa lalong madaling panahon.
Ako ay umaasa sa sapat at mabilis na aksiyon ng embahada ukol sa kalagayan ni Emerito at umaasa rin kaming magagawan ng embahada ng magandang solusyon ang mga benepisyong nararapat kay Emerito.
Tulad ng aking nabanggit, ang text line o helpline ng OFW Family Club ay napakahalaga sa kalagayan ng isang OFW na nasa mapanganib na situwasyon. Lahat ng mga text at call details ay aming dino-document at inaaksiyunan kaagad. Sa loob ng isang araw, halos daan-daan ang aming natatanggap na mga request for assistance galing sa mga OFW sa iba’t ibang parte ng mundo. Karamihan dito ay ang mga walang alam kung saan hihingi ng tulong o kaya ay stranded at hindi makapunta sa embahada.
Hindi ko maintindihan kung bakit na-deny ang petition for registration ng OFW Family Club o Ang Manggagawang Bayani at Pamilya (AMBA) sa COMELEC para ipa-register bilang party list. Ayon sa COMELEC, hindi raw kayang i-prove ng OFW Family Club na deserving kaming maging party list dahil sapat naman daw ang mga serbisyong ibinibigay ng POEA, OWWA at DFA.
Ang sagot ko sa kanila, kung sapat nga ang mga serbisyo ng nasabing mga ahensiya, bakit libu-libo pa rin ang lumalapit sa amin para humingi ng tulong at marami pa ring complaints na hindi sapat ang mga tulong na ibinibigay ng nasabing mga ahensiya?
Binigyan namin ang COMELEC ng isang makapal na booklet kung saan nakasaad ang track record ng OFW Family Club pero pinili pa rin nilang isarado ang oportunidad namin bilang isang party list.
Para sa aking mga kababayang OFW, piliin na lang natin ang isang kandidatong tapat na magkapagbibigay ng serbisyo sa inyo dahil ang COMELEC ay nagbubulag-bulagan sa kakayanan naming alam naman nila.
Mismong si First Gentleman Mike Arroyo ay humingi ng tulong sa aking ama na gumitna sa mga problema ng OFWs noong araw na sila ay magkaibigan pa.
Pero sa aking pananaw, may ibang agenda ang COMELEC at may mga nag-i-influence sa kanila kaya pati ang kapakanan ng mga OFW ay naaapektuhan.
Gayunpaman, tuluy-tuloy lang ang serbisyo namin dito sa OFW Family Club. «end»Makipamilya na sa OFW Family Club. Room 101, Taft Office Center Building, Taft Avenue corner Buendia, Pasay City, Metro Manila. Telephone numbers 526-7522 at 526-7515. Ang text number ko ay 0917-365-3098. Ang email ko ay royseneresjr@yahoo.com. Mabuhay ang OFWs!