Naagaw ng Columbian pug ang championship belt ni Brian “The Hawaiian Punch” Viloria at natupad naman ang pangako ni Carlos Tamara na iuwi sa Bogota, Columbia ang korona ni Viloria.
Tinalo ni Tamara si Viloria via 12th-round TKO at hubarin sa Fil-American fighter ang suot nitong International Boxing Federation (IBF) light flyweight crown kamakailan sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Ang nasabing IBF light flyweight title ay inagaw ni Viloria kay Mexican Ulises “Archie” Solis via 11th-round KO ilang buwan na rin ang nakalilipas sa Araneta Coliseum.
Inakala ng mga manonood na mapababagsak ni Viloria si Tamara dahil mula sa una hanggang ikawalong round ay para sa “The Hawaiian Punch” ang nasabing mga round subalit sadyang matibay ang Columbian boxer.
Pagdating sa ikasiyam na round ay nakaramdam nang panghihina si Viloria kaya sinamantala ni Tamara ang pagkakataon.
Hindi na halos makasuntok si Viloria kaya napilitan si Referee Bruce McTavish na itigil ang nasabing laban sa 1:45 ng final o 12th-round.
Sa San Juan De Dios Hospital dinala si Viloria para sa isang routine check-up bago inilipat sa Makati Medical Center para obserbahan ang pananakit ng kanyang ulo.
Ayon sa mga boxing experts, napagod nang labis si Viloria at inubos ang kanyang lakas upang talunin si Tamara subalit nabigo ang Pinoy champ.
Sa main undercard, tinalo ni World Boxing Organization (WBO) minimum weight champion Donnie “Ahas” Nietes (26-1-0, 15 KOs) si Mexican Jesus Silvestre (15-2-0, 12 KOs) mula sa isang 10th-round TKO sa kanilang non-title bout.
Pinigil naman ni Jimrex Jaca si Indonesian Ramadhan Weriu sa 5th-round ng kanilang lightweight fight samantalang binigo ni Jason Pagara si Eddy Comaro ng Indonesia sa pamamagitan ng isang majority decision. «end»