Nakikita ng mga apisyunado ng boksing ang gumagandang career ni Juan Manuel Lopez. Ayon sa kanila, kakaiba ang estilo ni Lopez kumpara sa mga boksingerong hinahangaan ng mundo.
Maging ang mga Pilipinong mahilig manood ng pro-boxing ay hanga kay Lopez. Matatandaang tinalo ng nasabing boxing champ si Gerry Peñalosa makaraang ipatigil ni Freddie Roach ang kanilang laban dahil sa lakas nang mas malaking si Lopez.
Kung magpapatuloy umano ang magandang laro ni Lopez ay mapabibilang din ito sa kinikilalang mga boksingero sa mundo tulad ni Manny Pacquiao.
Kamakailan lang ay tinalo ni Lopez sa pamamagitan ng knockout si Steven Luevano sa seventh round sa pamamagitan nang matinding left hook para maangkin ang World Boxing Organization (WBO) title sa main event ng isang featherweight doubleheader.
Pinaulanan ng Puerto Rican pug ang kampeong si Luevano sa kaagahan ng seventh round saka kinorner ang kasagupa at pinaulanan ng kaliwa’t kanang kumbinasyon.
Nagawang tumayo bagama’t nanginginig si Luevano sa bilang na 10 subalit tinapos na ni Referee Benji Esteves ang laban.
Ang junior featherweight champion na si Lopez, na umakyat ng timbang para hamunin si Luevano ay kahanga-hanga sa timbang na 126 pounds (57 kilograms).
Ito ang unang laban ni Luevano (37-2-1) sapul nang manalo via disqualification kay Pinoy boxer Bernabe Concepcion ilang buwan na rin ang nakalilipas. «end»