
Gusto ko ang katapatan ng tatlong lalaking Hebreong sina Shadrach, Meshach at Abednego sapagkat katulad ni Daniel ay walang kundisyon ang kanilang paglilingkod sa Dakilang Ama.
Nang magpagawa si haring Nabucodonosor ng estatwa ng kanyang sariling imahe at ipag-utos na walang sasambahing ibang diyos bukod dito at ang sumuway dito ay mapapahamak ay hindi natinag ang pananampalataya ng tatlong Hebreong ito (Daniel 3).
PAGLILINGKOD NA WALANG KUNDISYON
Hindi nila sinabing, “Siguradong ililigtas kami ng Ama, tiyak na hindi Niya kami pababayaang kainin ng apoy, mahal na hari, Kanya kaming ililigtas.”
Hindi ito ang kanilang sinabi. Bagkus, ang sinabi nila ay, “Siguradong kaya Niya kaming iligtas ngunit sakali mang hindi Niya kami iligtas at kami ay mamatay, sa tingin mo ba ay magbabago ang aming isip sa paglilingkod sa Kanya? Nais naming malaman mo, mahal na hari, na hindi magbabago ang aming mga isip.”
Iyan ang gusto ko sa lahat. Iyan dapat ang ating maging mga espiritu. Kapag ikaw ay nanalangin ng pagpapala mula sa Kanya, bago ka manalangin, dapat na ito ang iyong sabihin, “Ama, ibigay mo man o hindi ang hinihingi kong pagpapalang ito sa akin, sigurado na ang aking puso at buo na ang aking pag-iisip, susunod ako sa Iyo, maglilingkod ako sa Iyo.”
ANG NAGBABAGANG HURNO
Kung kaya naman sobra ang galit ng hari. Ang kanyang pagmamahal sa kanila ay napalitan nang matinding galit at poot at ipinag-utos na painitin ang hurno nang pitong beses sa normal na init nito.
Itinapon sila roon. Matapos ang ilang sandali, ang hari na maaaring mayroon ngang pananampalataya sa Diyos ay tumawag sa kanila.
ANG TATLO AY NAGING APAT
Ang tatlo ay talagang mabuti. Sila ay malinis sa loob at labas. Kanilang pinaglilingkuran ang Ama. Wala silang pagdududa sa Kanya.
Ang hari ay tumawag sa kanila, “Shadrach, Meshach, Abednego, buhay pa ba kayo?” Pagkatapos ay binuksan ang hurno. Ang hari ay nagsabi, “Apat ang aking nakita.” Tinawag niya ang kanyang mga tagapayo, “Hindi ba’t tatlo lang ang ating inilagay sa loob?” “Opo, mahal na hari.” “Ngunit bakit apat ang aking nakita?” At ang pang-apat ay tila Anak ng Diyos.
HINDI KA NIYA IIWAN
Ang Ama ay kasama nila sa loob ng nagbabagang hurno, nakikipag-usap sa kanila. Walang kapahamakan kapag ang Ama ay kasama mo. Anumang sirkumstansiya, anumang kundisyon ng buhay, huwag mag-alala, huwag matakot, sapagkat kung Siya ay kasama mo, hindi ka Niya iiwan.
NAKAPAGPAPATANDA ANG PAG-AALALA
Kapag ikaw ay naglilingkod sa Dakilang Ama, walang dapat ipangamba. Kung kaya’t sinabi Niya sa Mateo 6:25-34, “Huwag mag-alala.” Huwag mag-alala sa kung ano ang inyong kakainin o iinumin. Hindi ang inyong trabaho ang mabilis na makapagpapatanda sa inyo. Napakaraming bagay sa larangan ng kosmetiko ang ginagastusan ng mga tao, ano ito? Mga produktong nakapagpapabata o ‘yung anti-aging products.
Noong kayo ay bata pa, hindi ninyo inaalala ang inyong mga mukha sa salamin. Palagi kang blooming. Ngunit paglipas ng panahon, mapapansin mo na lang isang araw paggising mo, makikita mo ang iyong mukha sa salamin at sasabihing, “Ako ba ‘yan?” Marami ka ng mga gatla sa iyong mukha. Gusto mong pigilan ang panahon. Ngunit hindi mo ito mapipigilan sapagkat taun-taon ay nadaragdagan ang iyong edad ng isa.
Pagkatapos ay hihingi kayo ng payo kung ano ang dapat ilagay sa inyong mga mukha? Ang mga Pilipino ay mahilig maglagay ng cream sa kanilang mga mukha tulad ng “chin chun su” para maging bata ang kanilang mga hitsura. Ngunit alam ba ninyo na ang makapagpapabata sa inyo ay ang hindi pag-aalala?
GUMAWA AT HUWAG MANGAMBA
Huwag ninyong ipagkakamali ang kahulugan kapag sinabi kong huwag mag-alala. May isang miyembro mula sa Los Angeles ang lumapit sa akin. Isang buwan matapos kong ipangaral ang mensaheng ito, pumunta sa akin at nagsabing, “Pastor, ano pong nangyayari sa akin?” Sabi ko, “Bakit?” Sabi niya, “Ang dami ko ng mga bayarin, wala na akong pagkain, hindi ko na alam kung paano ko mababayaran ang mga bill ko.”
Tinanong ko kung bakit. “Dahil sinunod ko ang sinabi mong huwag mag-alala.” Tanong ko, “Narinig mo bang sinabi kong huwag mag-alala?” Sinabi niya, “Opo.” Ngunit hindi ko sinabing huwag kang gumawa at magtrabaho. Ang sinabi ko ay huwag mag-alala at hindi na siya nagtrabaho. Kasalanan mo ‘yan. Ang sinabi ko ay huwag mag-alala.
Kapag ikaw ay gumagawa at nagtatrabaho, huwag mangamba. Kung ikaw ay may bills na dapat bayaran, huwag mag-alala, gawin mo lang ang dapat mong gawin, magtrabaho ka at anumang dapat mong gawin sa araw-araw, huwag mag-alala.
HINDI SOLUSYON ANG PAG-AALALA
Ang pag-aalala ay ganito, ang problema, hindi pa dumarating ay iniisip mo na. Ang problema ay darating sa susunod pang buwan pero inaalala mo na ngayon. Hindi ka makatulog dahil sa problemang iyon. Hayaan mo munang dumating ito, huwag kang mag-alala roon.
Tatanungin ko kayo, “Masusolusyonan mo ba ang problema sa pag-aalala?” Kung malulutas mo ang mga bayarin mo sa pag-aalala, e, mag-alala ka na buong buhay mo.
Darating ba ang bigas dahil sa aking pag-aalala? Nakaupo ka lang sa bahay, nagmumukmok at nag-aalala, hindi mo alam ang gagawin. Ang bigas ay hindi dumarating, ang tinapay ay hindi dumarating. Ang problema ay hindi nalutas.
Ano ang gagawin mo? Huwag mag-alala. Kung wala kang bigas, ngumiti na tila mayroon. Kung ako ay mangangamba, hindi naman ito darating. Kapag ngumiti ka, hindi rin ito darating. Mas mainam na ngumiti na lang.
ANG PANANAMPALATAYA
Manampalataya ka. Ano ang pananampalataya? Ang pananampalataya ay ang paniniwala sa isang bagay na hindi mo alam kung darating o mangyayari kundi ang Ama lang ang nakaaalam at ikaw ay humahawak sa kamay ng Ama.
Alam ba ninyo na ang Ama ay mabuti? Alam ba ninyo na alam Niya ang mangyayari sa susunod na buwan? Alam ba ninyo na batid Niya ang mangyayari kinabukasan? Sa susunod na araw. Sa susunod na linggo. Sa susunod na taon. Sa susunod na tatlong taon, sa susunod na limang taon. Bakit ka mangangamba? Alam Niya ang lahat. Alam Niyang ikaw ay Kanyang anak. Bakit mag-aalala?
ANG PAG-AALALA AY SA AMA HINDI SA ATIN
Dito sa Kingdom ministry, iyan ang aking itinuturo sa ating mga lider, mga coordinator at mga administrator. Kapag mayroon kayong mga bagay na hindi nalalaman, huwag kayong mangamba. Gawin ninyo ang inyong mga trabaho nang mahusay at huwag mag-alala.
Hayaan nating ang Ama ang Siyang mag-alala sa atin sapagkat ito ang Kanyang trabaho at hindi sa atin. Nagsimula akong mag-alala isang beses. Kumuha ako ng calculator at tiningnan ang bills na dapat bayaran at ang mga darating pa. Sumakit ang aking ulo. Hindi ko kayang isipin ang mga iyon. Kaya ang ginawa ko ay inalis ang aking computer, inalis ko ang aking calculator. Sinabi ko, “Ama, ito ay gawain Ninyo, Kayo nang bahala rito. Gagawin ko nang mahusay ang aking trabaho sa araw-araw anuman ang nais Mong gawin ko, ngunit ang pag-aalala ay sa Iyo na at hindi sa akin.”
ANG AMA ANG KAPITAN NG BARKO
Ang kailangan lamang ay patatagin ang inyong mga pananampalataya. Kapag kayo ay may napakabigat na problema na hindi ninyo kayang dalhin, huwag ninyong pasanin, mababaliw lamang kayo. Ibigay ninyo ito sa Kanya. “Ama, Kayo nang bahala sa mga ito.” Pagkatapos ay bibigyan Niya kayo ng karagdagang pananampalataya sa Kanya. Ganito tayo sinanay sa Kaharian. Malaking pananampalataya sapagkat nalalaman Niya ang direksiyong ating tinatahak. Alam Niya dahil Siya ang Kapitan ng barko.
ANG PANANAMPALATAYA NG ISANG BATA
Narinig na ba ninyo ang kuwento tungkol sa isang batang babae na mahimbing na natutulog sa cabin ng isang barko samantalang ito ay papalubog na?
Lahat ng life boats ay inihagis na sa tubig. Lahat ng mga crew ay pinapila na ang mga pasahero papunta sa mga life boat sapagkat handa na nilang lisaning lahat ang lumulubog na barko. Ngunit sa huling pagkakataon ay kanilang tiningnang muli ang lahat ng kuwarto at mga cabin ng sasakyan at natagpuan nila ang isang batang babaeng tulog na tulog.
Ginising nila ito upang iligtas. Ang bata ay tila walang anumang inaalala at nag-unat lamang ng kanyang mga braso, hindi nangangamba. Nais ng Amang magkaroon tayo ng pananampalatayang tulad ng sa bata.
ANG PANANAMPALATAYA AY KAPANGYARIHAN
Kapag dumating ang isang unos at ang Ama ay kasama mo, ang una mong dapat gawin ay pumasok sa loob ng iyong silid, lumuhod at manalangin sa Dakilang Ama. Ilan sa inyo ang may mga utang? May bills na kailangang bayaran? Ang iyong barko ay halos lulubog na sa utang.
Ituturo ko sa inyo kung ano ang pananampalataya. Ang pananampalataya ay kapangyarihan. Ano ang Kanyang sinabi? Kung ikaw ay may pananampalatayang singliit ng buto ng mustasa, utusan mo ang bundok na gumalaw at bumagsak sa dagat. Susunod ito sa iyong salita kung ikaw ay walang pagdududa.
Mapapansin ninyo habang kayo ay naglalakad, marami kayong madadaanang mga bangko. Dito idini-deposito ang lahat ng mga pera. Kapag ikaw ay walang pera, ikaw ay manalangin at magsabing, “Idinadalangin kong lumipat ang mga perang nandiyan sa bangko papunta sa aking barkong tahanan.” Ang pera ay di-hamak na mas magaan kaysa sa bundok. Ang isang sakong bigas ay mas magaan kumpara sa isang higanteng bundok. Naniniwala ba kayo? Ilan sa inyo ang kayang palipatin ang mga bagay na iyon sa pamamagitan ng pananampalataya?
Marahil, hindi literal na ililipat ng Ama ang mga perang iyon sa iyong mga kamay. Maaaring gagawa Siya ng sirkumstansiya kung saan, ang darating ay sobra-sobrang pagpapala sa iyong buhay. (Wakas)