Halos pitong dekada na ang nakalilipas nang naganap ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Pero sa paglipas man ng mahabang panahong iyon, nananatili pa ring buhay ang mga bakas na dulot ng digmaan sa Bataan—ang bayang hanggang sa kasalukuya’y pilit bumabangon sa bangungot ng nakaraan.
Ayon kay Kevin Garzon, isang historian at saksi ng digmaan sa labis na pag-abuso ng mga sundalong Hapon sa mga kababaihan, “Nilusob nila ang Bataan. Una nilang sinalakay ang Corregidor na nagsilbing depensa ng mga Piipinong sundalo laban sa mga mananakop para hindi mapasok ang naturang bayan.”
At sino ang makalilimot sa martsa ng kamatayang higit na kilala bilang “Death March?”
Mula sa masusukal na lugar at liku-likong mga daan sa mga kagubatan ng Bataan, nilakad ng mga prisonerong Pilipino at Amerikano ang halos 97-kilometrong layo patungong Tarlac. Nagkaroon din nang matinding sagupaan sa bundok ng Samat sa Pilar, Bataan kung saan marami ang namatay at doon na nailibing.
Makikita sa bundok na ito ang malaking krus bilang pag-alaala sa kabayanihan at kagitingan ng mga sundalong nag-alay ng buhay para makamit ang kalayaan. Tinagurian ang bundok na ito na “Dambana ng Kagitingan.” Matatagpuan din ang mga kagamitang pandigma ng mga sundalo sa loob ng museum sa ilalim ng malaking krus na may tatlong palapag ang taas.
Nagtapos ang digmaan sa isang napakalungkot na kalagayan. Sinunog ang lahat ng kabahayan at nakalbo ang mga kagubatan.
Ngunit pagkaraan ng apat na dekada, may umusbong na bagong mukha ng isang lugar sa Bataan—ang Mariveles. Mula sa mabundok na bayang malapit sa karagatan ng Dagat Pasipiko, naging isang industrial area ang may kabuuang lawak na mahigit sa 1,700 ektarya. Dito matatagpuan ang kauna-unahang Economic Zone sa bansa, ang Bataan Economic Zone Authority. Sa talaan ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA), Bataan Economic Zone, may 480 ektarya na ang umunlad at nasa 166 na ektarya nito ang industrial area.
Naging maunlad ang lugar na ito dahil maraming foreign investors ang namumuhunan upang magtayo ng mga international company dahil nagugustuhan nila ang lokasyon at higit sa lahat, ang murang bayad ng upa ng pangangalakal dito. Bukod sa mga Pilipinong namumuhunan at nagmamay-ari ng mga kumpanya sa loob ng PEZA, kabilang din sa mga investor ang mga Koreano, Japanese, Taiwanese, American, British at iba pang mga nasyonalidad.
Dahil sa napakaraming export products tulad ng mga damit at electronics sa Bataan, unti-unting bumangon ang bayang ito mula sa pagkalugmok ng ekonomiya mula noong panahon ng giyera. Sa ngayon, isa ang Mariveles sa mga pangunahing pagawaan ng mga produktong pangkalakalan sa Pilipinas pati na rin sa ibang bansa. Isa rin sa mga sikat na lugar ang Bataan pagdating sa mga gawaing-kamay o handicrafts.
Bagama’t may naging bakas ng pait ng digmaan, kasalukuyang naging atraksiyon sa mga turista ang Corregidor. Naroon sa loob ng mga kuweba ang mga kagamitang pandigma at ang malaking tangke-de-giyerang nasa tuktok ng pamosong lugar na matatagpuan sa bunganga ng Manila Bay.
Sa likod ng bundok naman na nakapalibot sa Mariveles, matatagpuan ang maliit na bundok na hugis-tao. Matatanaw sa tuktok nito ang bundok na may hugis ng babaeng buntis na nakahiga. Sinasabing mula sa pagiging hugis-tao ng bundok na ito hinango ng mga Amerikano ang pangalang “Maria Velez,” pangalan ng isang batang babaeng kanilang napagtanungan noong kasagsagan ng digmaan.
Pagdating naman sa pagkilala sa kayamanan ng kagubatan, mayaman ang kagubatan ng Bataan sa maiilap na mga hayop tulad ng mga baboy-ramo, lawin, unggoy, usa, kalaw maging ang kakaibang mga uri ng manok na nabubuhay lamang sa kabundukan.
Dito lamang sa Bataan matatagpuan ang kakaibang prutas na tinatawag nilang granada. Ito ay matamis at hugis-granada ngunit kasing kulay ng bayabas. Parang atis ang laman ng mga buto nito at parang chico naman kapag nalasahan dahil sa animo’y mala-buhanging salat nito sa panlasa kung titikman.
Maging ang karagatan ng Morong, isa ring bayan sa Bataan ay mayaman sa mga pawikan. Dito makikita ang maraming batang pawikan sa baybaying-dagat na nagsisilbi ring puntahan ng mga lokal at dayuhang turista.
Sa nabanggit na mga anyo ng pag-unlad, sino ang makapagsasabing hindi pa nakalalampas ang Bataan mula sa masasamang mga panaginip nito sa nakaraan? «end»