Pamilyar ba kayo sa mahuhusay na mga Pilipinong manunulat na nag-ambag din ng makabuluhan at makukulay nilang mga akda para makamit ang kalayaan ng ating bansa?
Isa sa mga ito ay si Jose Maria Panganiban na isinilang noong Pebrero 1, 1863 sa Mambulao, Camarines Norte—ang bayang nang lumaon ay isinunod na ang pangalan sa hindi lang isang mahusay na manunulat kundi isa ring magaling na orador.
Bilang isa sa mga manunulat ng “La Solidaridad” na itinatag noong Pebrero 15, 1889 at nagsilbing pangunahing paraan ng komunikasyon ng mga propagandista noong mga panahong iyon, tinawag niya ang atensiyon ng mga Espanyol tungkol sa kalayaan sa pamamahayag at pinuna ang sistemang-edukasyonal sa Pilipinas sa ilalim ng pamamahala ng mga dayuhan.
Ang kanyang mga sinulat ay kinilala ni Dr. Jose Rizal na nagsabing, “Siya ay tunay na orador na may madaling maunawaan ngunit matatapang na pananalita at may praktikal na lipon ng mga kaisipan.”
Ilan sa mga artikulo niya sa wikang Espanyol na nailathala ay ang “El Pensamiento,” “La Universidad de Manila,” “Su Plan de Estudio” at “Los Nuevos Ayuntamientos de Filipinas.”
Ipinagpatuloy niya ang pagsusulat ng mga tula at maiikling kuwento kabilang ang mga sumusunod, “Ang Lupang Tinubuan,” Noches en Mambulao,” “Sa Aking Buhay,” “Bahia de Mambulao,” “La Mejerde Oro,” “Amor Mio,” “Clarita Perez” at “Kandeng.”
Hindi inaasahan, si Jose Maria Panganiban ay nagkasakit ng tuberculosis kung kaya’t lumamlam ang kanyang pakikipagtulungan sa kilusan.
Namatay siya sa naturang sakit noong Agosto 1890 sa kanyang boarding house sa Rambla de Canaletas 2 sa Barcelona. «end»