Ang balagtasan ay isang debateng patula kung saan ay mainit na ilalahad ng dalawang kalahok ang kanilang mga argumento. Mayroon itong lakandiwang nagsisilbing tagapamagitan at sa huli ay magbibigay ng kanyang hatol kung kanino’ng katuwiran ang mas nakapananaig. Matagal din itong namayagpag at naririnig pa nga ito sa mga programa noon sa radyo.
Ang unang balagtasan ay isinagawa noong Abril 6, 1924. Ito ay bilang pagpupugay sa ama ng panulaang Tagalog na si Francisco Baltazar na kilala rin sa tawag na “Balagtas.” Bilang pagkilala pa ay idineklara ni Pangulong Gloria MacapagalArroyo, sa pangunguna ng Komisyon sa Wika ang Pebrero 2 bilang “Araw ng Balagtasan.”
Ayon sa tala, si Jose Corazon De Jesus, kakontemporaryo ni Florantino Collantes ang kauna-unahang hinirang bilang “Hari ng Balagtasan.” Ilan pa sa mga naging hari ng balagtasan ay sina Mar Antonio, ama ng isa ring makatang si Teo Antonio, Cresenciano Marquez at iba pa. Masasabing ang balagtasan ay sariling atin at hindi ito gagad sa mga dayuhan. Sa pagiging malikhain nating mga Pinoy, ang pagbabanggaan ng dalawang magkaibang punto ay nagawa pang maging isang sining.
Sa ngayon, bihira ka na lang makaririnig ng balagtasan. Limitado na lamang ito sa mga paaralan tuwing “Linggo ng Wika” sa buwan ng Agosto. Taong 2001 nang maimbitahan ang manunulat na ito na maging hurado sa balagtasan sa Saint Claire High School, Quezon City. “Linggo ng Wika” rin noon. Ang naging piyesa sa nasabing balagtasan ay ang aking akdang pinamagatang “Edukasyon o Kayamanan?” Dalawang beses din itong ginamit noong nasa kolehiyo pa ako, ‘yun ay sa orientation naman ng mga freshman. Naging mainit naman ang pagtanggap dito ng mga nakikinig. Patunay lamang na mayroon pa ring halina sa mga tao ang balagtasan.
May mangilan-ngilan pa ring mga grupo ng mga makatang nagnanais buhayin ang tradisyon ng balagtasan. ‘Yun nga lang ay nakasentro lang ito sa loob ng grupo at maririnig lang sa mga poetry reading. Hindi na katulad noon na talagang itinatanghal sa harap ng madla kahit ano’ng okasyon pa ang mayroon lalo na kapag piyesta. Ayon sa mga mapaglarong dila ng mga kritiko ay scripted lang naman daw ang balagtasan at puwedeng panalunin ang kahit na ano’ng argumento. Subali’t mayroon din talagang ‘impromptu’, hahanga ka sa bilis at talisik ng pangangatuwiran ng makata. Ngunit sa huli ay nasa nakikinig na rin kung ano ba ang kanyang paniniwalaan.
Sa makabagong panahon, para hindi mabaduyan o matawag na makaluma ang nagbabalagtasan ay maaaring hindi na ito binibigkas na tulang-tula o ‘yun bang umaalun-alon pa ang boses. Mas mainam ay parang kaswal na lang na nagsasalita.
Pero siyempre, naroon pa rin ang indayog, tiyempo, diin at wari bang direktang nakikipag-usap sa mga nakikinig. Masasabing malaon na ngang nawala ang kinang ng balagtasan subalit ang mahalaga ay nananatili pa rin itong buhay. Hindi lamang sa puso’t isipan ng madla bagkus ay patuloy pa rin itong pinahahalagahan ng mga indibidwal man o grupo. «end»