Ang laging tanong sa kanya ni Emer, kailan ba niya hindi sisimangutan at pagmamaktulan ang mga makabuluhan at magagandang bagay na dumarating sa kanyang buhay?
Dati kasi, Top 5 siya sa kanilang klase pero dahil dagdag-obligasyon ang tingin niya roon, nag-easy-go-lucky siya sa pag-aaral para lang mawala sa list of honors. Nasa Math Top din siya nang kusang magpababa ng score sa kanilang nagdaang mga review para lang din mabura na ang pangalan sa nasabing grupo ng mahuhusay na mga estudyante.
At ngayon, may isang magandang oportunidad na naman siyang ikinayayamot...
“Kaasar naman talaga, ‘di ba?” reklamo niya kay Emer nang makita siya nitong nakamukmok na naman sa paborito niyang sulok ng kanilang school quadrangle.
“Dahil ikaw ang napiling panlaban sa feature writing contest, ganoon?” pero may concern sa tinig ng binatilyo nang sabihin iyon.
“Dagdag-pasakit nga kasi!”
“Dagdag-rekognisyon nga kamo!”
“Eh, pa’no naman ‘yung nilalaro kong “God of War?”
“Sabi ko na nga ba, ‘yung nilalaro mo sa play station ang nasa tuktok mo, eh!”
“Kasi nga, kailangan kong magbasa at mag-research para sa contest! Eh, hirap na hirap nga akong talunin ‘yung mga kalaban ko sa “God of War!”
Kinurot niya nang pino sa tagiliran si Emer nang hindi maawat sa pagtawa sa kanyang sinabi.
“Gusto mong malampasan ‘yung mga kalaban mo sa “God of War?” may nakatagong kapilyuhan sa mga ngiti ng kanyang guwapong kaklase nang tanungin siya pagkaraang makarekober sa pagkakakurot niya rito.
“Siyempre, oo!” imbes na ngiti ay ismid naman ang ipinukol niya kay Emer.
“Then, gawin mo akong inspirasyon!”
Ang hamon sa kanya ni Emer, tatapusin nito ang laro niyang “God of War” sa play station pero magiging sila na ng binatilyo.
Hello, para naman yatang attracted siya kay Emer, ‘no? Ni hindi nga niya tinitingnan maski ang anino ng bilib sa sariling binatilyo!
Pero dahil gustung-gusto niyang matuklasan ang mga sikreto para mapatumbang lahat ang mga kalaban sa larong “God of War,” nakipag-deal siya kay Emer na ang kapalit, ang pagko-concentrate niya sa pag-aaral.
“Bakit ba kasi pinipilit mo akong mag-aral mabuti?” angil niya kay Emer minsang hilahin na naman siya nito papuntang library para i-research ang kanilang assignment sa Calculus.
“Para bumagay ka sa akin dahil may feelings ako sa iyo!” walang gatol na sagot ng binatilyo.
“Ganoon?” maangas niyang sabi.
Korek, sagot sa kanya ni Emer. At idinagdag pa ng binatilyong Top 1 sa kanilang klase na kailangang grumadweyt sila sa high school na parehong nasa linya ng mga karangalang banggit.
Habang pinag-iisipan niya ang hamon ni Emer, napapansin niya araw-araw ang kakyutan ng guwapong kaklase. «end»