Nalaman ng mga siyentista sa isinagawa nilang pananaliksik na ang paggamit ng herbicide o pamatay-damo ay nakokontrol ang soil erosion o pagkatibag ng lupa at napapanatili pa nito ang natural na sustansiya ng lupa.
Sa pananaliksik na isinagawa ng isang grupo na pinangunahan ni Gil Magsino ng University of the Philippines-Los Baños (UPLB), sinabi na ang isang paraan sa pagkontrol ng pagkatibag ng lupa ay ang paggamit ng agricultural technology para makonserba ang sustansiya ng lupa at hindi ito malusaw lalo na sa panahon ng pagbaha.
“Soil is the most important element of human existence, for it is where agriculture is based. It is a well-known fact that degraded land or sloping areas are more prone to flooding and eroded soils pollute the environment,” ani Magsino. Binanggit din niya ang matagumpay na resulta ng limang taong pag-aaral ng mga scientist na pinamagatang. SAGIP-LUPA: Soil Conservation Technology and Weed Management.
Ang pokus ng nasabing pag-aaral ay nakatuon sa matagal na paggamit ng herbicide na kung saan ay isang demonstrasyon ang kanilang isinagawa sa Benguet, Batangas, Quezon, Isabela at Nueva Ecija at napatunayan nila na nagagawang patibayin ng herbicide ang lupa laban sa erosiyon. Sa makalumang pamamaraan nang pagsasabog ng binhi at pagbubungkal ng lupa ay hindi nito nahahadlangan ang pagkatibag ng istraktura ng lupa.
Ang resulta ng kanilang pag-aaral ay napaabot na umano nila sa mga agriculturist at agricultural committee members sa provincial, municipal at barangay levels sa pamamagitan ng panayam at field tour na isinagawa kamakailan sa Gladiola Center ng Benguet State University at sa Benguet demo and study site sa Long-long, La Trinidad. Mas nebebenipisyuhan umano ng tuklas na ito ang mga upland farmer dahil higit nilang kailangan ang nasabing pamamaraan upang mapanatili nila ang kalusugan ng lupa at patibayin ang istraktura nito lalo na sa panahon ng tag-ulan.
Ang kainaman umano ng herbicide ay napapatay lamang nito ang katawan ng damo na nakaangat sa lupa, hindi ang mga ugat nito kaya nananatiling matibay ang lupa na tinubuan ng mga damo kahit na wala na silang katawan dahil naroon pa rin sa lupa ang kanilang mga ugat na nagpapatibay sa lupa. «end»