Hindi dapat lumabis ang presyo ng asukal sa P48 kada kilo at ang sinumang tinderang aabuso, tiyak na makakastigo. Ito ang mariing pahayag ng Department of Trade and Industry (DTI) sa kalagitnaan ng sinasabing krisis sa asukal na dinaranas ng bansa.
Ani Trade Undersecretary Zenaida Maglaya, hindi naman masamang tumubo subalit hindi rin naman wasto ang magtubong-lugaw. Gayunman, nilinaw ng kawaksing-kalihim na hindi naman ito porma ng “price control” kundi paggabay lamang para wastong mapresyuhan ang asukal na kapiling ng mga Pilipino araw-araw sa kanilang almusal.
Kung matutupad ang presyong iminungkahi mismo ng Department of Agriculture (DA), papalo lamang sa mga presyong P45 hanggang P48 ang presyo ng asukal.
Subalit hindi pa man nailalabas ang giya sa presyo, may mga negosyante nang nagtakda ng kanilang sariling presyo: mula P52 hanggang P60 kada kilo, bagay na binatikos ni Sugar Regulatory Administrator Rafael Coscolluela.
Anang Pangasiwaan sa Asukal, labis ang 15 porsiyentong sikad sa presyo ng paboritong pampatamis sa kape ng mga Pinoy at Pinay sa bansa.
Pinamamadali naman ng Malacañang sa Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) ang pagpapalabas ng Suggested Retail Price (SRP) sa presyo ng asukal matapos ang pagmamatigas ng baking industry na ituloy ang pagtataas sa presyo ng bread products sa susunod na buwan bunsod nang hindi makontrol na price hike sa asukal.
Tagubilin ng palasyo kay Agriculture Secretary Arthur Yap at DTI Secretary Peter Favila, bukod sa pagpapalabas ng tamang retail price sa presyo ng asukal ay alamin din kung may basehan ang bantang price hike ng Philippine Baking Industry Group (PhilBaking) at makipagdayalogo sa mga ito kung kinakailangan.
Inatasan din ng palasyo ang mga sangkot na ahensiyang makipag-usap sa mga organisadong consumer groups upang makuha ang pulso ng mga ito sa usapin.
Ang direktiba ay ibinaba matapos mapag-alamang ang presyo ng loaf bread ay magtataas ng P2 bawat balot samantalang hanggang piso naman ang itataas ng pandesal sa bawat sampung piraso sa isang balot.
Sa pagsikad naman ng presyong pataas, siya rin namang sipa ng gobyerno laban sa abusadong mga negosyante. Ani Maglaya, mayroon na silang kinasuhan dahil hindi maipaliwanag kung bakit ganoon kataas ang presyo ng kanilang asukal.
Hinimok ng DTI na iulat sa kanila ang mga tindahang magpepresyo nang higit sa P50 kada kilo at maaaring gawin ito ng simpleng Juan dela Cruz sa pamamagitan ng pagtawag sa kanilang hotline na 751-3330.
Mahigpit na tagubilin naman sa mga mag-uulat, dapat na tiyakin ang pangalan ng stall na inyong pinagbilhan para mabilis ang aksiyon ng kanilang tanggapan. «end»