Malapit nang buksan ang mga bagong pasilidad ng Department of Foreign Affairs (DFA) na magsusulong sa epektibo at mabilis na proseso sa pagkuha ng pasaporte ng mga aplikante at upang maiwasan na rin ang mga fixer na gumagala sa nasabing ahensiya.
Sa unang bahagi ng taong 2010 ay bubuksan ang bagong Office of Consular Affairs (OCA) Building sa Aseana Business Park sa Parañaque City, malapit sa Mall of Asia. Dito ay makatitiyak ang publiko sa mas episyente at modernong consular services, ayon sa DFA.
Nalaman kay DFA Assistant Secretary for Consular Affairs Renato Villapando na sa oras na nag-operate ang OCA building, ang passport application ay gagawing appointment basis samantalang ang walk-in application ay hindi na bibigyan nang masyadong oportunidad maliban sa emergency situation.
Tatanggap din ng walk-in applicants ang DFA sa paraang appointment basis. Maiiwasan na rin ang pagsisiksikan sa nasabing tanggapan gaya nang nakagawiang lumang sistema dahil ang mga aplikanteng may appointment lamang ang kanilang sisilbihan.
Kapag nagsimula ang operasyon sa new OCA building, ang mga passport applicant ay papasok sa Gate 2 sa Bradco Avenue para sa document evaluation at processing. Kukuha sila roon ng ‘queue stub’ sa loob at hihintaying tawagin ang kani-kanilang mga numero. May 23 windows ang mag-aasikaso sa processing, ayon kay Villapando.
Matapos ang data processing, ang mga aplikante ay sasabihang pumunta sa second floor ng gusali para sa enrolment and data capturing.
Nangangahulugan itong hindi na kailangan ng mga aplikanteng magpakuha ng larawan bago pumasok ng bisinidad ng DFA dahil isasagawa na ang nasabing proseso sa loob ng opisina at doon na rin babayaran ang mga bayarin.
Sa regular na passport processing ay gagastos ng P950 at makukuha ang pasaporte makaraan ang 14 working days samantalang ang overtime o expedited processing ay nagkakahalaga ng P1,200 para sa seven-day period. Ang replacement naman ng lost valid passport ay may karagdagang bayaring P200.
Ayon pa kay Villapando, sa paraan ng new passport application procedure ay inaasahang makukuha ang pasaporte ng 30 minuto o mas madali pa rito kapag napagana ng lahat ang 60 bagong data capturing computer stations. «end»