Tumaas man o bumaba ang halaga ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) ay patuloy itong tinatangkilik ng mga mamimili dahil gamit ito sa araw-araw ng bawat pamilya, mayayaman man o mahihirap.
Ayon sa maliliit na mga retailer ng LPG, patuloy umano ang pagtangkilik ng mga consumer sa paninda nilang LPG lalo na ang mga negosyanteng nagka-canteen.
Mas kumbinyente umanong panggatong ang LPG kumpara sa uling, kahoy o ipa. Sa isang click lamang umano ng ignition ng gas stove ay sisindi na ang burner ng kalan. Mas mabili umano ang pagluluto gamit ang LPG kaya kumakagat ang mga mamimili kahit pa tumaas ang halaga ng nasabing produkto.
Kamakailan ay inihayag ni Liquefied Petroleum Gas Marketer’s Association (LPGMA) President Arnel Ty na magkakaroon ng rollback sa presyo ng cooking gas sa susunod na mga araw bunga ng pagbagsak ng contract price sa pandaigdigang merkado.
Dahil walang katiyakan ang galaw ng presyo ng nasabing produkto sa pandaigdigang pamilihan, ang pagbaba ng demand o pangangailangan nito sa pamilihan ang basehan ng mga retailer at dealers ng LPG upang magbaba o magtaas ng presyo nito.
May pangyayari umano na biglang sumirit pataas ang presyo ng contract price ng LPG sa pandaigdigang pamilihan. Dahil dito, mabilis na nakapag-aanunsiyo ang LPGMA na magtataas sila ng halaga ng gas.
Ang world market din ang siyang nagdidikta kung bababa o tataas ang halaga ng LPG at kapag may paggalaw sa presyo ng produktong ito ay agad tumatalima ang LPGMA at iaanunsiyong bababa ang halaga nito.
May mga tiwaling retailer ding sinasamantala ang pagkakataon subalit pumapalpak din umano ang kanilang diskarte dahil malikot ang presyo ng LPG sa pandaigdigang merkado kaya hindi nakapag-imbak ang mga abusadong negosyante ng tinda nilang LPG kaya napipilitan silang ibenta ang kanilang paninda lalo na kung may pahayag na bababa ang contract price ng LPG sa world market. «end»