Namamaga na ang mga karagatan sa mundo partikular ang malawak na Dagat Pasipiko dahil sa mabilis na pagkalusaw ng mga bundok ng yelo sa North Pole, ayon sa Philippine Atmospheric and Geophysical Services Administration (PAGASA).
Magdudulot ito nang malaganap na pagbaha sa maraming bansa at lulubog ang mga pulo at lalong babahain ang mga coastal area na dati nang binabaha kahit pa panahon ng tag-araw.
Kamakailan ay nagbabala ang PAGASA na apektado ang Pilipinas sa pagkalusaw ng malalaking tipak ng yelo sa North Pole bunga ng global warming.
Ang paglaki ng tubig sa mga karagatang sakop ng North Pole ay nakaaapekto na umano sa Dagat Pasipiko kaya asahan na ang lalo pang pagtaas ng tubig sa mga coastal barangay. Ang mga lugar umanong hindi pa naaabot ng bahang dulot ng global warming ay makararanas umano nang hindi inaasahang pagbaha sa nasabing mga lugar.
Mismong si PAGASA Director Frisco Nilo ang nagsabing nakadaragdag ang pagkalusaw ng yelo sa pagkakaroon ng bagyo sa mga bansang malimit dalawin ng masamang panahon.
Akala ng marami ay hindi magdudulot ng seryosong problema sa sangkatauhan ang global warming. Matatandaang madalas ihayag ng yumaong Ernie Baron ang epekto ng global warming at hindi nga nagkabula ang kanyang prediksiyon dahil nangyayari na ang kanyang mga pahayag.
Nahaharap ngayon ang mundo sa pinakaseryosong banta ng global warming at ang pamamaga ng mga karagatan ay isa lamang sa mga problemang idinudulot ng abnormalidad ng panahon—pagkakaroon ng tagtuyot sa panahon ng tag-ulan at ang hindi inaasahang pagpasok ng bagyo kahit na tag-init.
Dati-rati, ang bayan ng Obando sa Bulacan ay isang paraiso kung ituring ng mga tipikong mamamayan doon. Sagana sa fresh water fish ang nasabing bayan kaya magaan ang takbo ng pamumuhay ng mga mamamayan dahil ang kanilang kailugang nagpapatubig sa mga palaisdaan ay sagana sa tubig-tabang.
Pero nang umalsa ang tubig sa dagat, ang mga palaisdaan ay pinasok ng tubig-alat kaya bumagsak ang industriya ng pangisdaan sa nasabing bayan dahil sa epekto ng global warming.
Ang bayan ng Hagonoy sa nasabing lalawigan na binubuo ng 26 na mga barangay, 17 sa mga barangay rito ang lumulubog sa tubig kahit na mainit ang sikat ng araw. Ang Barangay Sagrada sa Hagonoy ay binabaha kahit na panahon ng Mahal na Araw dahil sa pagtaas ng tubig sa dagat. Hindi madaanan ng mga sasakyan ang kalsada sa nasabing barangay dahil sa lalim ng tubig dulot ng high tide. Ganito rin ang problema sa Camanava area.
Ayon sa mga mamamayan ng Hagonoy, ang binabahang mga lugar sa nasabing bayan ay hindi kayang palubugin ng malalakas na ulan kung panahon ng tag-ulan, maliban na lamang kung may back flood na huhugos mula sa Pampanga at Nueva Ecija.
Pero napalulubog ng high tide ang maraming barangay sa Hagonoy bunsod ng abnormalidad ng panahon. Hindi lamang ang Luzon ang nakararanas ng problemang ito kundi ang iba pang coastal areas sa bansa. Habang umuusad ang panahon, patuloy naman sa pagtaas ang tubig ng dagat at kapag umabot na ito sa sukdulan, ang mga tao sa mga lugar na malapit sa dagat ay mag-iiba ng estilo ng pamumuhay dahil nasa ‘water world’ na sila. «end»