Walang katiyakan at walang direksiyon ang salitang suwerte dahil para lamang itong isang pirasong papel na nililipad-lipad ng hangin at hindi malaman kung saang lugar mananatili.
Sa pagtaya sa anumang uri ng sugal, ang hinihintay ng mga manunugal ay ang makatsamba dahil hindi nila alam at lalong walang katiyakang sila ay mananalo kaya kailangang hintayin nila ang makatsamba.
Ang pakikipagsapalaran ay kaakibat nang paghihintay sa pagdating ng suwerte. Hindi mo alam kung saang lugar babagsak ang suwerte o kung sinong tao ang maghahatid sa iyo ng inaasam na magandang kapalaran.
Ang mga Tsino ay may paniniwalang may kaakibat daw na suwerte ang ‘Taon ng Tigre.’ Wala naman yatang malas na taon ang mga Intsik at laging positibo ang kanilang mga pananaw hinggil sa mga zodiac sign na kanilang pinaniniwalaan.
Kaya maraming Pinoy ang pumipila sa lotto outlet. Araw-araw silang tumataya sa power lotto, super lotto 6/49, mega lotto 6/45 at lotto 6/42. Kahit na alam nilang milyun-milyon ang tsansang manalo sa mga laro sa lotto ay hindi pa rin sila tumitigil sa pagtaya sa ligal na sugal.
May kakilala akong walang patid ang pagtaya niya sa lotto. Paborito niyang tumaya sa super lotto 6/49 dahil mas malaki raw ang premyo sa nasabing lotto game.
Tinanong ko siya kung magkano siya kung tumaya sa lotto. Limang set daw ng super lotto 6/49 kung siya ay tumaya. Beinte pesos ang isang taya, kaya limang set ng numero ang kanyang tinatayaan araw-araw.
Tinanong ko rin siya kung ilang taon na siyang tumataya sa lotto. Sa loob daw ng anim na taong pagbabakasali na makakuha ng jackpot price ay hindi pa raw siya nananalo pero hindi pa rin siya nagsasawang tumaya sa lotto lalo na kung nababalitaan niyang may mga mananayang nananalo nang milyun-milyong piso.
Mahirap talagang manalo sa lotto, na sa kagustuhan mong manalo ay kailangang mamuhunan ka nang maraming salapi para sa walang katiyakang panalo.
Kaya mas mapapalad ang mga entreprenyur sa larangan ng small medium enterprises dahil sila ang gumagawa ng sarili nilang suwerte at ayaw nila ng sistemang patsamba-tsamba.
Maliliit man silang negosyante ay alam nila kung kikita sila o hindi dahil para sa kanila, madalas ang panalo sa larangan ng negosyong kanilang kinabibilangan. «end»