May napanood akong ulat kamakailan na nagsabing pabagsak na raw ang antas ng tubig na nakaimbak sa ating mga dam na nagsusuplay ng tubig sa Metro Manila.
Ibig sabihin nito ay malamang na magkaroon ng kakulangan ng tubig sa darating na mga buwan lalo na’t may banta raw ng El Niño ngayong taon. Idagdag pa rito ang matumal na bagsak ng ulan—maliban sa ilang lugar ng bansa sa nakaraang mga linggo at talaga namang kumbinsido ang marami na magkakaproblema nga tayo.
Sabi nga nila, mawala nang lahat huwag lang ang tubig dahil napakaimportante nito sa ating pang-araw-araw na buhay mula sa pagpapanatili nating malinis ang ating katawan at kapaligiran hanggang sa paghahanda ng ating pagkain at sa pagpapatakbo ng iba’t ibang industriya ng bansa.
Parang may halong biro ang kaganapang ito kung sakaling magtuluy-tuloy. Hindi ba’t ilang buwan lang ang nakalilipas ay halos isumpa natin ang dami ng tubig na ipinukol sa atin ng kalikasan?
Trahedya ang idinulot ng matinding ulang sumabay sa Bagyong Ondoy at Pepeng noong huling bahagi ng taong nagdaan. Pati mga dam, sinisi natin noon dahil sa pinsalang gawa ng pagpapakawala ng tubig mula sa mga ito.
Ngayon naman ay kasalatan ang ating hinaharap. Parang nabaligtad lang ang kuwento. Sana ay dala lang ito ng panahon dahil nga paparating na rin ang tag-araw.
Pero kung tutuusin, hindi lang tayo ang nakararanas sa pag-iibang anyo ng kalikasan. Sa Europa ay halos matabunan sila ng yelo sa kasalukuyan at lalo pang tumitindi ang lamig na nangingibabaw sa kanila ngayon. Samantalang sa Gitnang Silangan na palaging tuyo sa nagdaang mga taon, nagkakaroon naman ng mga dagliang pagbaha dahil na rin sa matinding buhos ng ulan.
Mapaiisip ka tuloy kung ito na nga ba ang katuparan ng mga prediksiyon sa pagbabago ng klima dala ng global warming?
Kaya nga dapat sigurong makinig at maging alerto tayo sa mga senyales na ipinahihiwatig ng kalikasan. Huwag nating hintaying magparamdam ito sa pamamagitan ng nawasak na mga buhay at ari-arian.
Alam na natin ang mga hakbang para mapangalagaan ito at walang ibang sisisihin kundi ating mga sarili sakaling maging pabaya tayo at hindi maipatupad ang nasabing mga hakbang ngayon pa lang. «end»