Nitong nagdaang mga araw, kabi-kabila na naman ang ginagawang pag-atake sa atin ng ating mga kalaban. Hindi ko lubos mawari kung ano ang kanilang saloobin at laman ng kanilang isipan kung bakit tila ako ay kanila na namang pinagtutulung-tulungan. Hindi kaya ito ay dulot nang tumataas nating survey sa ratings gayong ang iba ay pababa nang pababa?
Anu’t anuman at maski ano pa ang gawing paninira sa atin ng ibang tao, wala tayong ibang masasabi kundi salamat. Salamat dahil iisa lang ang ibig sabihin nito, ang punong hitik sa bunga ay binabato at pilit na ibinubuwal.
Sa kabila nang pinagdaraanan natin ngayon, hinding-hindi kailanman sumagi man lang sa isip kong sumuko at mawalan ng pag-asa. Tuloy ang laban hanggang sa huli. Tuloy ang ating ginagawang pagtulong at pagpapabuti sa buhay ng ating mga kababayan sa abot ng ating makakaya.
Dahil para sa atin, ang pagtulong ay walang pinipiling sandali. Kahit ikaw ay may sariling labang nais pagtagumpayan, kahit ikaw ay nagdurusa, tungkulin mo ang tumulong sa kapwa sa lahat ng oras. Walang day-off sa pagtulong sa mga nangangailangan. Araw-araw, dapat bukas ang puso mo at isipang may tao kang matutulungan kahit sa maliit na paraan.
Kamakailan, kaarawan ni Willie Revillame. Pumunta tayo kasama ang aking maybahay at mga anak sa studio ng “Wowowee” para bumati nang personal kay Willie. Masaya ang show, maraming artistang dumating at maraming palaro.
May mahigit na 40 bata ang lumahok sa isang game portion ngunit bigo silang makuha ang jackpot prize na P1 milyon at house and lot. Kaya hindi tayo tumanggi nang makiusap si Willie na tuparin ang pangarap ng mga batang makapag-aral.
Tatlong milyon ang ating ipinagkaloob para sa scholarship ng naturang mga bata na ang iba ay tumigil na sa pag-aaral dahil sa hirap ng buhay. Siguro nga ay ‘di pa sapat ang ating tulong ngunit tayo ay umaasang sila ay muling makababalik sa eskuwelahan. Nag-aaral at nangangarap ng magandang buhay katulad ng ibang mga bata.
Nakita ko ang aking sarili sa mga batang tinulungan natin sa “Wowowee.” Naranasan ko ang manghiram ng libro at pumasok nang nakayapak dahil walang maibili ng sapatos ang aking mga magulang. Sa murang edad, tinulungan ko si Nanay sa pagtitinda ng hipon sa Divisoria para may makain ang aming pamilya at may maipantustos sa eskuwela.
Hangga’t maaari, ayoko na sanang danasin ng iba pang mga bata ang dinanas kong paghihirap. Kaya sa abot ng ating makakaya, pinagsisikapan kong makatulong para sa katuparan ng pangarap ng marami nating kababayan.
Walang katumbas na halaga ang ating mga pangarap at walang kapalit na hinihintay ang taos-pusong naglilingkod sa kapwa. Kung tutulong ka, tumulong ka, may eleksiyon man o wala. «end»Sa inyong mga komento, suhestiyon at reaksiyon, mag-email sa mvillar_react@yahoo.com