Sa susunod na buwan ay bababa na ang kaso ng mga Pilipinong nagugutom dahil sa mga bagong programang ilalapat ng pamahalaan.
Sa huling bahagi ng taong 2009, napag-alaman sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na ang bilang ng pamilyang nakaranas na magutom ay tumaas sa 24% ng kabuuang populasyon o 4.4 milyong mga tahanan.
Lumabas din sa survey na 46%, tinatayang 8.5 milyong pamilya ang nagsasabing sila’y mahirap at 39%, tinatayang 7.1 milyon ang nagsabing “food poor” (chronically hungry o undernourished).
Paliwanag naman ni National Economic Development Administration (NEDA) Director Dennis Arroyo, ang nangyaring resulta ng survey ay dahil sa pagkasira ng mga pananim at palaisdaan sa bansa sa nagdaang mga Bagyong Ondoy at Pepeng.
Ani Arroyo, “Dahil dito, walang pinagkakitaan ang mga magsasaka at mangingisda nang ilang buwan. Tumaas din ang mga presyo ng mga bilihin gaya ng isda, bigas at gulay.”
Ngunit ayon kay Presidential Spokesperson Gary Olivar, bababa na ang insidente ng mga Pilipinong nagugutom sa susunod na buwan dahil sa patuloy na pagkukumpuni at muling pagtatayo ng mga pasilidad na nasira ng nasabing mga bagyo noong nakaraang taon.
Dagdag pa ni Olivar, “Nilalabanan ng pamahalaan ang kahirapan sa pamamagitan ng 15,000 “Tindahan Natin” outlets, 165 “Barangay Bagsakan” outlets at “Food-for-School Program” para sa halos dalawang milyong mag-aaral sa elementarya at day care.
“Pinalawak din nito ang “Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps)” na nakatulong na sa 700,000 pamilya,” sabi ni Olivar.
Ayon naman kay Senador Loren Legarda, dapat ipaglaban ang “crash program” para magkaroon nang mas maraming pagkain sa pamamagitan ng pagpapabuti ng sakahan na susuportahan nang mas maraming aktibidades sa sektor ng industriya at pagpapabuti ng kapaligiran. «end»