Matatanggap na ng mga pensiyonado ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pinakahihintay na tatlong buwang ‘differential’ sa ikalawang linggo ng Pebrero. Nagkakahalaga ito ng P2,220 hanggang P36,000.00 depende sa kategorya, ranggo at tagal sa serbisyo ng retirado o namayapang mga sundalo.
Ang differential check ng mga pensiyonado sa Metro Manila at Timog Quezon ay personal na ibibigay sa AFP Finance Center at punong himpilan ng Southern Luzon Command (SOLCOM), ayon sa pagkakasunud-sunod samantalang ang differential ng ibang pensiyonado ay makukuha nila sa kani-kanilang bank accounts.
Para sa Metro Manila, ang nasabing tseke ay ibibigay simula sa ika-8 ng Pebrero sa isang laang lugar ng AFP Finance Center. Samantalang sa Timog Quezon, ang mga pensiyonadong nakatira sa Lucena City, Sariaya, Tiaong, Sampaloc, Lucban, Mauban, Tayabas, Pagbilao, Malicboy at Atimonan ay kailangang pumunta sa covered court ng punong himpilan ng SOLCOM sa Camp Nakar, Lucena City mula ika-16 hanggang ika-18 ng Pebrero.
Sa nasabing petsa, magkakaroon muna ng maiksing pahayag ng mga importanteng impormasyon tungkol sa pensiyon at sasagutin din ang katanungan ng mga pensiyonado bago ipamahagi ang kani-kanilang mga tseke.
Para sa nasabing mga lugar, ang mga pensiyonadong hindi pa nakapagsumite ng “Pensioners’ Update Form” o PUF mula noong taong 2005 at ang mga may kulang na impormasyon sa AFP database Finance Center ay kailangang magsumite ng nasabing dokumento bago ibigay ang kanilang mga tseke.
Kung sakali at hindi kayang makapunta ng isang pensiyonado sa nasabing mga lugar, ang ‘representative’ ay kailangang magdala ng Special Power of Attorney (SPA) at pruwebang buhay pa ang pensiyonado bilang karagdagan sa PUF.
Ang pruweba ay isang bagong kuhang larawan ng pensiyonadong may hawak na bagong diyaryo.
Ang nasabing aktibidad sa Metro Manila at Timog Quezon ay isang yugto lamang nang tuluy-tuloy na programa ng AFP Finance Center upang matukoy at matanggal sa payroll ang mga hindi na nararapat na magpensiyon.
Ang nakalaang pensiyon ng mga diskuwalipikadong pensiyonado ay itatabi at ang makakalap na katipiran sa taunang pondo ng AFP pension ay ibabalik sa mga lehitimong pensiyonado sa pamamagitan ng pagbabayad ng ‘differential.’ «end»