Sisimulan SISIMULAN sa buwan ng Marso ang pagsasanay ng mga guro para sa automated election sa Mayo 2010.
Ayon kay Secretary Jesli Lapus ng Department of Education (DepEd), kasama umano sa sinumpaang tungkulin ng mga guro ang paglilingkod sa panahon ng eleksiyon. Aabot sa 4,300 guro ang magbubuhos ng kanilang serbisyo sa halalan sa Mayo.
Wala umanong programming na involve sa paggamit sa makinarya kaya tiyak na ‘di mahihirapan ang mga guro. “Kahit high school, puwedeng gawin ito kaya walang dapat na ikabahala,” ani Lapus.
Kailangangan lang aniyang kumpleto ang bayad sa mga gurong gaganap sa napakahalagang papel na ito kaya nakikipag-ugnayang mabuti ang DepEd sa Commission on Elections (COMELEC) upang masigurado ang kapakanan ng mga guro.
Bibigyan ang mga miyembro ng Board of Election Inspectors (BEIs) ng P3,000 bawat isa, P300 para sa transportation allowance, P500 para sa isasagawang inspeksiyon at pagselyo o pagtatak sa mga listahan ng mga botante at P500 naman para sa Precinct Count Optical Scan (PCOS).
Makatatanggap din ng P3,000 ang mga punong guro at mga school head na namamahala sa bawat presinto kahit hindi miyembro ng BEIs ang mga ito. Maging ang mga janitor ay makatatanggap din ng P1,500 bawat isa at ang mga canvasser sa bawat munisipyo, siyudad at sa mga probinsiya ay makatatanggap naman ng P5,000 bawat isa.
Samantala, naglaan naman ang COMELEC ng P30 milyon para sa mga gurong di-maiwasang maaksidente at P200,000 naman para sa mga pamilya kung sakaling may di-maiwasang mamatay sa oras ng kanilang mga serbisyo.
Inaasahan pa rin ng lahat na magiging malinis, mapayapa at matagumpay ang kauna-unahang automated election sa bansa. «end»