Ang Pamantasang Centro Escolar (CEU) ay pinagkalooban ng “Institutional Accreditation Status Award” sa isang seremonyang ginanap sa Bulwagang Librada Avelino ng nabanggit na pamantasan.
Ang parangal na ito ay iginawad ni Dr. Epitacio S. Palispis, pangulo ng Federation of Accrediting Agencies of the Philippines (FAAP) kay Dr. Ma. Cristina D. Padolina, pangulo at Chief Academic Officer ng CEU at FAAP. Sa kanyang mensahe, sinabi niyang kinakailangang ipagpatuloy ang hangaring pag-ibayuhin ang pagsulong tungo sa lalo pang pagtaas ng antas ng kalidad ng edukasyon.
Nagpahayag din si Dr. Padolina ng kanyang paninindigan sa Institutional Accreditation Award na ipinagkaloob sa CEU ayon na rin sa isang responsibilidad na mapanatili ang pamantayan ukol sa mataas na uri ng edukasyon na kanyang inihahain bilang isang hamon sa buong komunidad ng Pamantasang Centro Escolar. Inihayag din ng pangulo ng CEU na ang Pamantasang Centro Escolar ang kauna-unahan at nag-iisang “higher educational institution” na nakatanggap ng limang de-kalidad na parangal tulad ng Granted Full Autonomy by Commission on Higher Education (CHED), ISO 9001:2000 certification, PQA awardee for Proficiency in Quality Management System, Level IV accredited status for Biology and Psychology Programs at ang Institutional Accreditation Status.
Iginawad ng FAAP ang parangal sa CEU sa harap ng CEU Administrative Council, mga dekana, puno ng mga kagawaran, guro, empleyado, mga mag-aaral at mga panauhin.
Gayundin, ang makasaysayang okasyong ito ay dinaluhan nina Dr. Ricardo F. de Leon, CEU executive vice president, Dr. Rosita L. Navarro, PACUCOA chairman, Mr. Angelito P. Pedreno, FAAP executive director at Dr. Herminia D. Torres, PAASCU board member.
Makikita sa larawan si Dr. Ma. Cristina D. Padolina na may hawak ng katibayan ng parangal (pangalawa mula sa kaliwa, pakanan) Dr. Ricardo F. de Leon, Dr. Rosita L. Navarro, Dr. Epitacio S. Palispis at Dr. Herminia D. Torres. «end»