Nakakatatlong proyekto na sina Rhian Ramos at TJ Trinidad pero ngayon lang sila tuwirang nagtambal talaga sa “Dear Friend” episode na “Almost A Love Story” na nagsimula nang umere sa GMA-7.
Nagkasama na sina TJ at Rhian sa pelikulang “The Promise” at dalawang primetime programs na “Zorro” at “Stairway to Heaven,” kung saan napatunayang may hatak din sila sa viewers.
Ang “Almost A Love Story” ay kuwento ng dalawang nilalang na pilit pinaghiwalay dahil sa forbidden romance at agwat ng edad. Si Rommel (TJ) ay 24-anyos habang si Hannah (Rhian) ay 15 kaya ang muntik nang masayang pag-iibigan ay naputol nang makialam na ang kani-kanilang mga magulang.
Tsika ni Rhian sa presscon ng “Dear Friend’s Almost A Love Story,” kahit sa tunay na buhay ay posibleng mainlab siya sa lalaking malaki ang edad sa kanya. Iba-iba naman aniya ang maturity level ng tao kaya wala siyang nakikitang magiging problema kung sakali.
Nang tanungin kung posible bang mahulog ang loob niya sa kaparehang si TJ, natawa lang si Rhian at sinabing wala namang masama lalo na kung pareho silang walang sabit.
Halos ganito rin ang pahayag ni TJ nang siya naman ang hingan namin ng komento. Dagdag pa ng aktor, maganda at mabait si Rhian kaya hindi ito mahirap mahalin.
Kasama rin sa cast si Paolo Avelino na gaganap bilang Luigi na fiancé ni Hannah. Sa ngayon ay nali-link ang binata kay LJ Reyes, na aminado siyang super close niya ngayon.
Happy rin si Paolo sa sunud-sunod na proyektong ibinibigay sa kanya ng GMA-7 kaya nagpramis siyang lalong pagbubutihin ang kanyang trabaho.
Teka, hindi kaya ang pagningning ng bituin ni Paolo ang rason kaya nagpasya siyang itago muna ang totoong estado ng relasyon nila ni LJ?
Ang “Almost A Love Story” na bagong kabanata sa “Dear Friend” ay kinatatampukan din nina Arci Muñoz, Stef Presscot, Cris Villanueva, Joanne Quintas, Jimwell Stevens, Melissa Mendez, Jace Flores at Dex Mendoza. Mula ito sa direksiyon ni Topel Lee at sa panulat ni Denoy Navarro-Punio at Keiko Aquino-Ilagan at Elmer Gatchalian bilang episode writers. «end»